Pinapa-pullout na ni DILG Secretary Eduardo Año ang mga pulis at sundalo na nagbabantay sa loob ng permanent danger zone.
Ayon sa kalihim ito ay para makaiwas din ang mga ito sa kapahamakan kung sakaling tuluyang sumabog ang Taal volcano.
Sinabi ng kalihim nasa 98 porsyento na ng mga residente sa loob ng danger zone ang nailikas at yaong mga makukulit na dalawang porsyento na lang ang kailangan hanapin.
Sinabi ni Año na ang ide-deploy na lang na mga pulis sa loob ng danger zone ay mga mobile patrols para magronda sa mga inabandonang lugar at hanapin ang mga nagtatagong residente.
Paliwanag ni Año, mas mabilis na makakalikas ang mga mobile patrols kaysa sa mga stationary na bantay kung saka-sakaling sumabog ang bulkan.
Ililipat na lang aniya ang mga stationary troops sa labas ng danger zone para doon na lamang magbantay at siguraduhing walang makakapasok.
Una na ring ipinatigil ni Año ang mga “window hours” kung saan pinahintulutan ng mga LGU ang mga lumikas na residente na bumisita sa kanilang mga inabandonang tahanan ng apat na oras kada araw.
Samantala umapela naman si PRO-4A Calabarzon regional police director Brig. Gen. Vicente Danao kay Talisay Vice Mayor Charlie Natanauan na huwag ng udyukan ang mga residente na bumalik sa kanilang mga tahanan sa danger zone dahil napakadelikado pa ang sitwasyon ng bulkang Taal.
Pero sakaling magmatigas pa ang vice mayor kaniya umano itong ialay sa bunganga ng bulkan.
Una nang sinabi ng DILG na maglalabas sila ng show cause order laban kay Natanauan kung magpapatuloy pa itong maglabas ng mga pahayah na kontra sa polisiya ng gobyerno.