CENTRAL MINDANAO-Lubos ang pasasalamat ng abot sa 40 Punong Barangay ng Lungsod ng Kidapawan at ang kanilang mga Kagawad, Secretary, at Treasurer matapos silang makatanggap ng financial assistance at iba pang tulong mula sa pamahalaang nasyonal at lokal.
Pinangunahan mismo ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista ang distribusyon ng P3,000 sa bawat Punong Barangay at iba pang nabanggit na mga opisyal at pamamahagi ng iba pang ayuda tulad ng canned goods para sa mga residente; flashlights, cudgel o batuta at handcuffs na magagamit ng mga tanod sa bawat barangay.
Mula sa tanggapan ni Senator Christopher “Bong” Go ang P3,000 para sa bawat Punong Barangay at iba pang opisyal sa barangay habang mula sa City Government of Kidapawan ang ibang mga ipinamigay na ayuda. Kabilang naman sa ipinamahagi ang mga vegetable seedlings mula sa tanggapan ni Senator Cynthia Villar.
Maliban rito, nagpa-raffle draw din ang City Government sa pamamagitan ng City Veterinarian Office ng abot sa 12 alagang baka para sa naturang barangay officials upang magamit bilang panimula sa livestock program sa kanilang mga barangay.
Ayon kay Mayor Evangelista, malaki ang tulong ng inisyatibang sa mga Punong Barangay at sa kanilang mga nasasakupan lalo na ngayong may pandemya ng Covid-19.
Masaya ring ibinalita ng alkalde ang dagdag na P500 sa honorarium ng bawat barangay worker simula Enero 2022. Ito ay para makaagapay ang naturang sektor sa kanilang mga pangangailangan at bilang pagkilala na rin sa kanilang malaking kontribusyon sa barangay.
Tiniyak naman ni Mayor Evangelista ang patuloy na suporta para sa mga Punong Barangay at ang matibay na ugnayan ng mga ito at ng City Government.
Maliban kay Mayor Evangelista ay nakiisa din sa aktibidad si Kidapawan City Legal Officer Atty. Paolo M. Evangelista, at mga City Councilors na sina Maritess Malaluan, Narry Amador, Peter Salac, Lauro Taynan, Galen Ray Lonzaga, Aying Pagal, Melvin Lamata, Ceen Taynan, ABC President Morgan Melodias, at IPMR Radin Igwas.
Dumalo rin sa aktibidad sina dating City Councilor at Retired Judge Francis Palmones, miyembro ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) at Rosheil Gantuangco-Zoreta na kabilang sa City Vaccination Rollout Plan at kapwa hinikayat ang mga opisyal ng barangay na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa lahat ng programa at proyekto ng City Government at ng administrasyon ni Mayor Evangelista.
Hinati sa apat na grupo ang mga Punong Barangay upang mas maayos na maipatupad ang mga minimum health protocols.