-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Deputized na ni City Mayor Joseph Evangelista ang lahat ng purok presidents ng Barangay Poblacion na manghuli ng mga sasaway sa city ordinance number 20-1309 kontra Covid19.

Simula August 10, 2020 ay puwede ng mag-i-issue na ng citation ticket ang mga purok presidents sa mga violators na kanilang mahuhuling hindi nagsusuot o hindi tamang nagsusuot ng face masks, hindi sumusunod sa isang metro o higit pang physical distancing, umiinom ng alak sa labas ng bahay, at lumalabag sa itinakdang 9pm-5am curfew.

Layon ng pag-deputize sa mga purok presidents na masigurong hindi magkakahawaan ng COVID-19 kapag nagkataon, giit pa ni Mayor Evangelista.

Binigyan din sila ng kani-kanilang ID’s bilang patunay na sila ay otorisado na ipatupad ang naturang ordinansa at iba pang mga ordinansa at regulasyon ng gobyerno.

Isinagawa ang deputization kasabay ng oath taking ceremony ng lahat ng Federation of Purok Presidents ng Barangay Poblacion, umaga ng August 10, 2020 sa mega tent ng city hall.

Dagdag pwersa ang 82 purok presidents ng poblacion sa mga kagawad ng pulisya, Highway Patrol Group, mga sundalo sa ilalim ng Task Force Kidapawan, mga punong barangay at mga empleyado ng city government na napabilang sa Compliance Monitoring Team na naatasang ipatupad ang nabanggit na ordinansa.

Itinakda naman ang P500 para sa first offense, P1,000 sa second offense at P2,000 para sa third offense ang ipapataw na multa sa mga susuway sa city ordinance number 20-1309.

Sampung araw lang ang palugit ang ibibigay ng city government sa mga violators na bayaran ang penalidad sa City Treasurer’s Office.

Kapag hindi ito nabayaran ay pwede na silang sampahan ng reklamo ng city government sa piskalya at magkakaroon pa sila ng criminal record sa PNP, NBI at iba pang regulatory agencies ng pamahalaan.

Patuloy naman ang panawagan ng city government sa lahat na sumunod sa mga itinakdang minimum health protocols na nabanggit para makaiwas na magkasakit ng COVID-19.