Itinuturing nang “kolorum” simula ngayong araw ang lahat ng mga public utility vehicle na bigong makapagpa-consolidate na bahagi ng kautusang isinusulong ng pamahalaan.
Ito ang muling ibinabala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board kasunod ng paalala na simula ngayong araw ay hindi na pahihintulutan pang makabiyahe ang lahat ng mga unconsolidated PUV.
Ayon kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, simula ngayong araw, Mayo 16, 2024, ay maaari nang manghuli ang kanilang mga tauhan ng mga jeepney driver na hindi nakapagpa-consolidate.
Dahil dito ay required na ang lahat ng mga PUV drivers na ilagay sa kanilang mga windshield ang mga dokumentong magpapatunay na sila ay nakapagpa-consolidate na.
Babala ng ahensya, simula ngayong araw ay pagmumultahin ng PHP 10,000 ang mga unconsolidated jeepney drivers na mahuhuling namamasada pa rin, habang pagmumultahin naman ng hanggang Php50,000 at mai-impound ng 30 araw ang kanilang mga unit.