Inamin ni Commission on Human Rights (CHR) Chairman Atty. Richard Palpal-latoc na malaking bagay ang paglitaw ng iba’t-ibang rebelasyon sa Quad Committee hearings ng Kamara para sa kanilang sariling imbestigasyon.
Partikular na ang umano’y extra judicial killings (EJK) na nangyari noong nakaraang administrasyon.
Ayon kay Chairman Palpal-latoc, bago pa man nagsimula ang mga pagdinig, nag-convene na sila para muling buksan ang mga kaso ng pagpatay.
Naniniwala ang CHR chief na mahalagang patuloy na imbestigahan ang isyung ito dahil sa lawak ng mga pangyayari at mga taong iniuugnay sa krimen.
Hangad ng ahensya na mas marami pa ang magsalita ukol sa issue para sa mas ikalilinaw ng mga pangyayari.
Sa ngayon, kabilang sa mga nakaladkad na pangalan ay sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, dating PNP Chief at ngayon ay Sen. Ronald dela Rosa at iba pang nasa hanay ng pulisya.