-- Advertisements --

Inatasan ni Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Vigor Mendoza II ang lahat ng regional director sa buong bansa na maghanda ng road safety plan kasabay ng inaasahang pagbuhos ng mga biyahero pauwi sa mga probinsya.

Kabilang dito ang deployment ng mga personnel sa mga pangunahing kalsada para umasiste sa mga biyahero at tumulong na magpatupad sa traffic laws.

Pangalawa ay ang pagsasagawa ng random at surprise inspection sa mga bus terminal upang masigurong maayos ang lahat ng pampasaherong bus na bibiyahe at matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Maaari rin aniyang magsagawa ang mga ito ng random at surprise drug testing sa mga driver at konduktor ng bus upang masigurong nasa maayos na mental at physical condition ang mga ito bago sila bibiyahe.

Maliban sa mga pangunahing kakalsadahan at mga bus terminal, ipinag-utos din ni Mendoza ang deployment sa mga kalsadang papunta sa mga pantalan at mga paliparan sa Metro Manila at iba pang lugar.

Bagaman sa Abril-16 pa ang inaasaahang peak ng pagdagsa ng mga pasahero, nagsimula na ngayong lingo ang LTO na magdagdag ng mga personnel na nakadeploy.

Kasabay nito ay hinikayat din ni Asec mendoza ang mga motorista na tiyaking maayos ang kalagayan ng kanilang mga sasakyan o motorsiklo upang masigurong walang aberya habang nasa biyahe.

Paalala ng LTO Chief sa publiko, magbaon ng pasensiya, at iwasan ang galit o road rage, kasabay ng inaasahang pagbigat ng daloy ng trapiko.