-- Advertisements --

Binalaan ng pamunuan ng Department of Agriculture ang mga reseller ng National Food Authority o NFA rice na magpapatong sa kasalukuyang presyo nito.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahaharap sa kaukulang parusa ang sinumang mapapatunayang nanamantala sa presyo ng NFA rice.

Ginawa ng kalihim ang babala kasabay ng pagsisimula ng bentahan ngayong araw ng murang bigas o NFA rice sa lungsod ng San Juan sa Metro Manila.

Aniya, hindi nila pinapayagan ang mga negosyante na tubuan ito ng malaki bagamat pinahihintulutan ng ahensya ang mga ito na bumili ng kaban-kabang NFA rice.

Paliwanag pa nito na maaari lamang ibenta ang NFA rice sa halagang P33 at P35 kada kilo.

Nasa mga lokal na pamahalaan naman ang desisyon kung ano ang kanilang magiging diskarte sa pagbebenta ng naturang bigas.