-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Takot pa rin ang nararamdaman ng ilang mga residente na nakatira malapit sa Jolo Airport, Brgy.Bangkal, Patikul, Sulu dahil sa pagbagsak ng Philippine Air Force C-130H Hercules transport aircraft kahapon kung saan masobra 40 na ang kumpirmadong namatay .

Ito ang ibinahagi ni Alicia Jamdan isa sa mga nakakita sa pangyayari sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Manang Alicia, sobrang nakakapagtaka na nakakatakot ang tunog na kanilang narinig bago pa tuluyang bumagsak ang C-130 na galing sa Lumbia Airport, Cagayan de Oro lulan ang 92 katao at patungo sana sa Jolo,Sulu ngunit palapag na sana nang lumampas ang sa runway dahilan upang dumiritso ito sa labas ng Airport at tumama sa 2 bahay ng mga sibilyan at sumabog.

Dagdag pa ni Manang Alicia, dati rati’y normal lamang ang paglipad at paglanding ng mga eroplano sa kanilang lugar pero sa ngayon ay natatakot na diumano sila dahil baka mangyari ulit ang pagbagsak ng eroplano.

Sa ngayon, umaapela naman ito ng tulong para sa mga residenteng nadamay sa pangyayari lalo na sa 2 bahay na nasira at nasunog at sa 3 sibilyan na namatay.

Inihayag pa nito na ang nasabing mga bahay ay pagmamayari ng mahirap lamang na pamilya na pagbubungkal ng bato ang ikinabubuhay kaya’t nangangailangan ng tulong at panalangin.