-- Advertisements --
Mt. Bulusan sorsogon

LEGAZPI CITY – Pinag-iingat pa rin ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Sorsogon ang mga residente na malapit sa danger zone ng bulkang Bulusan sa lalawigan.

Ito ay sa kabila ng pagbaba ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa normal na lebel o Alert Level 0 sa bulkan dahil sa “general decline” sa aktibidad ng mga parametrong binabantayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PDRRMO head Engr. Raden Dimaano, nananatili pa rin aniya ang “no entry” sa 4-km permanent danger zone dahil maaari pa rin aniyang magkaroon ng trigger sa bulkan para sa volcanic activity.

Pinaiiwas din ang mga residente sa mga vents dahil sa peligro na hatid ng posibleng steam-driven o phreatic eruption, rockfall at landslide.

Kaugnay nito, pinalawig pa ang danger zone sa bahagi ng southeast ng bulkan at dapat na maging alerto pa rin ang mga residente lalo na sa PDZ.

Batay sa monitoring, nagkakaroon aniya ng phreatic activity ang bulkan sa dalawang taon na interval.

Dagdag pa ni Dimaano na plano ring gumawa ng ordinansa o resolusyon na magbabawal sa pagpasok sa PDZ.