-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nagkakasakit na ang ilang mga residente na nauwi sa kamatayan dahil sa matinding init ng panahon na kasalukuyang nararanasan sa bansang Kuwait.

Umaabot sa halos 53 degrees celsius ang heat index sa nasabing bansa kung kaya’t ipinagbabawal ng gobyerno ng Kuwait ang trabaho gaya ng delivery service mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon kung saan, may kaakibat na parusa ang sinumang lalabag sa naturang panuntunan.

Ayon kay Bombo International Correspondent Joy Escultura-Galvan, sa loob ng halos 15 taon na pagtatrabaho sa Kuwait ay ngayon lamang siya nakaranas ng matinding init ng panahon na maya’t maya ay may isinusugod sa pagamutan dahil sa inaatake ng heat stroke.

Maliban dito, nakakaranas din ang ilang bayan sa bansa ng malawakang black-out dahil sa mahinang supply ng kuryente kung kaya’t adjusted ang working hours ng mga empleyado ng ilang tanggapan at mga establisyimento.

Sa kasalukuyan aniya ay puspusan ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan upang matulungan ang mga apektadong kabuhayan, negosyo at maging ang kanilang mga mamamayan.

Inaasahang tatagal pa ang init ng panahon sa nasabing bansa hanggang sa buwan ng Agosto.