-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Isinasailim na ngayon sa psychological intervention ang mga mamamayan ng bayan ng Bauko, Mountain Province na apektado sa tinawag ng lokal na pamahalaan na “insurgency crisis.”

Ito’y kasunod ng engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng communist terrorist group na New People’s Army (NPA).

Ayon kay Bauko Mayor Abraham Akilit, na-trauma ang ilang mga residente ng mga barangay ng Balintuagan; Bila; Bagnen Proper; Bagnen Oriente; at Abatan.

Aniya, may mga residente na napilitang lumikas matapos ang nasabing sagupaan na sinundan ng pagsabog ng improvised explosive device na itinanim ng mga tumatakas na rebelde na nagresulta sa pagkasawi ng isang pulis at pagkasugat ng siyam na kasama nito.

Ayon sa alkalde, nagbibigay ang mga kaukulang opisina ng family food packs at hygiene kits sa mga apektadong residente.

Sinabi pa niya na hanggang ngayon ay nananatili ang kanilang payo sa mga residente na iwasan muna ng mga ito ang pumunta sa mga taniman dahil hindi pa masabi kung ligtas na ang kanilang lugar mula sa mga bandido.

Umaasa pa si Akilit na makakabangon ang mga mamamayan ng Bauko sa pamamagitan ng kanilang pagtutulungan.

Napag-alamang patuloy pa rin ang clearing operations sa mga kabundukan sa Bauko at Tadian para masiguro na wala nang mga landmines na itinanim ng mga rebelde sa mga bundok.