-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Hindi maiwasan ng ilang mga residente ng Balangiga, Eastern Samar na maging emosyonal sa nalalapit na selebrasyon ng unang anibersaryo ng pagsasauli ng Balangiga Bells ngayong darating na linggo.

Ayon kay Francisco Elacion, 92-anyos, kaapu-apuhan ng isa sa mga Pilipinong nakipaglaban sa Balangiga Massacre, nasasabik na ang kanilang buong bayan sa nakatakdang okasyon kung saan maraming mga aktibidad ang isasagawa sa nasabing araw.

Wala umanong siyang mapagsidlan ng kasiyahan at tila hindi niya namalayan na mag-iisang taon na ang nakalipas mula ng maibalik ang mga kampana mula sa Amerika.

Ikinokonsidera rin nilang taon-taong pamasko para sa kanila ang pagkakabalik ng mga Balangiga Bells na palaging pinapatunog sa misa sa kanilang simbahan.

Sinariwa rin nito ang pinakaunang beses na kanyang nakita at nahawakan ang mga kampana noong nakaraang taon at hindi raw nito napigilang maiyak lalo’t pat inihahalintulad nila ito bilang pamilya o importanteng bagay na naibalik sa kanila.