-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nagkakaroon na ng panic buying sa Liblar, Erftstadt, Germany dahil sa nararanasang pagbaha.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Arlyn Reyes, nakatira sa Liblar, Erftstadt , Germany na sa lugar nila ngayon ay sarado na ang mga bilihan dahil nasira rin ang mga paninda nilang pagkain matapos na abutin ng tubig-baha.

Bukod dito ay wala na ring mabibili na tubig.

Dahil dito, nagkakaroon na ng panic buying kuyng saan kailangan pa nilang magbiyahe ng nasa pito hanggang walong kilometro para makabili ng pangunahin nilang pangangailangan.

Sa ngayon ay nagbibigay na ng tulong ang gobyerno ng Germany at nagsimula nang magbigay ng 200 euro sa bawat tao at kung may nasira ay insurance ang magbabayad.

Ayon kay Reyes, marami ang nabigla sa pagbaha sa naturang lugar dahil biglaan ang pagdating ng tubig kung saan karamihan sa mga pinakaapektado ay malapit sa ilog.

Gayunman ay una na aniyang umulan ng maghapon at magdamag kaya kinaumagahan ay inabisuhan na sila ng kanilang munisipyo.

Sa ngayon ay mahigit isang daan na ang namatay sa Germany at karamihan ay mga matatanda na hindi na kayang umalis sa kanilang mga bahay.

Bukod dito ay marami pa ang patuloy pa ring pinaghahanap dahil lubog pa rin sa baha ang maraming lugar kaya maari pang madagdagan ang mga namatay.

Ayon pa kay Reyes, may isang lugar doon na nagkaroon ng sinkhole kaya mahigpit ang pagbabantay ng mga awtoridad.

Bukod dito ay mayroon ding bumigay na maliit na dam.