GENERAL SANTOS CITY – Nagsilikas na ang mga residente ng Itbayat, Batanes at nanatili sa plaza dahil sa malakas na lindol.
Ito ang sinabi ni Bombo Correspondent Jojo Labrador, tour guide ng Itbayat sa exclusive interview ng Bombo Radyo General Santos City.
Ayon dito, sa ngayon lang nila naranasan na andaming namatay, sugatan at maraming mga stonehouses ang gumuho dahil sa 5.4 magnitude quake at sinundan ng 6.4 magnitude pasado alas-7:00 ng umaga.
Dagdag pa ni Labrador na may matanda na namatay, bata at may isang buwang gulang na nadaganan ng gumuhong stone houses.
Umabot umano sa mahigit 20 bahay na yari sa limestone at bato na pinagpatong-patong na ang iba ay itinayo pa noong 18th century ang gumuho kasama na ang Sta Maria De Mayan Church.
Ayon pa kay Labrador na kailangan nila ng tulong dahil nag-iisa lang ang doktor na galing pa sa Basco, Batanes na nagsasagawa na ng assessment.
Nanawagan naman ito ng tulong sa gobyerno dahil sa pinsala na dulot ng lindol.
Ang Itbayat ay isang maliit na isla na may populasyon na 2,738 at ang mga bahay ay halos gawa sa bahay na bato para panangga sa malalakas na bagyo dahil daanan ng bagyo ang Batanes.