-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Banta umano sa seguridad ng mamamayan ang mga myembro ng Islamic State-inspired Group ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Rajah Buayan, Maguindanao.

Ayon kay Rajah Buayan Maguindanao Mayor Yacob Ampatuan, marami na ang nasawi at nasugatan na mga sibilyan dahil sa panghaharas ng mga rebelde sa kanilang bayan.

“Enough is enough,” ayon sa mga opisyal at residente ng Rajah Buayan at kinondena ang mga kalupitan ng BIFF laban sa kanilang komunidad.

Kasabay nang ginanap na peace rally sa bayan ng Rajah Buayan ay kinondena ng LGU at taumbayan ang gulo na dulot ng mga terorista.

Sa pamamagitan ng mga placard at banner, tinuligsa ng mga residente ang kabangisan ng BIFF, ang panggugulo at pangingikil ng teroristang grupo tuwing panahon ng anihan.

Nakiisa sa rally ang barangay officials, mga negosyante, grupo ng kababaihan, non-governmental organizations, dating mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), at Muslim religious leaders.

Nagka-isa ang mga ito na ideklarang persona non-grata ang BIFF sa bayan ng Rajah buayan.

Pagkatapos magsagawa ng peace rally ay magmartsa at tumuloy na sa covered court ng bayan ang mga lumahok sa rally at doon ay sinunog nila ang itim na watawat na sumisimbolo sa mga ugat ng hidwaan sa lokalidad tulad ng droga at terorismo.