KORONADAL CITY – Pinag-iingat ng Environment and Management Bureau (EMB) Region 12 ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga mamamayan sa lalawigan ng South Cotabato kaugnay sa masamang epekto ng haze o smog dahil sa forest fire mula sa Indonesia.
Batay sa inilabas na advisory ng tanggapan, tumaas ang air concentration ng smog sa mga lungsod ng Koronadal at General Santos (fair condition) ganundin sa bayan ng Tupi (good condition).
Ayon sa EMB, nananatili pa rin ang mga gawain ng mga mamamayan ngunit inaabisuhan ang mga kabataan, matatanda, mga buntis at may mga kondisyon sa puso na iwasan ang sobrang pagtatrabaho bilang pag-iingat.
Nagpaalala rin ito na iwasang magsunog ng basura dahil magpapalala ito sa kondisyon.
Sa monitoring ng EMB-12 sa loob ng 24 oras mula noong Setyembre 14 hanggang 15, naitala ang particulate matter (PM10) sa lungsod ng Koronadal sa 119.35 micrograms per normal cubic meter (ug/Ncm); 45.98 ug/Ncm sa bayan ng Tupi; habang 72.57 ug/Ncm naman sa bahagi ng General Santos City.