Nababahala para sa kanilang kaligtasan ang mga residente sa dalawang barangay ng Buenavista Quezon na maaaring gumuho dahil sa pagkawasak ng proteksiyon na nagpapatatag sa lupang tinatayuan ng kanilang mga tahanan.
Umapela sa pamahalaan ang mga residente na tulungan sila upang hindi tuluyang mawasak ang kanilang kabuhayan at kapaligiran partikular na ang kanilang baybaying dagat.
Reklamo ng mga residenteng malapit sa Mangroves sa Brgy. Sabang Piris at Macaca Coral Reef sa Brgy. Mabutag, unti-unti ng sinisira at pinagigiba ng alkalde ng Buenavista, Quezon na si Mayor Reynaldo Rosilla Jr. ang mga bakawan at mga coral reef para sa sarili umanong interes.
Ayon kay Chairman Fernando Dimayuga ng Brgy. Mabutag, ginigiba ang mga bakawan para may madaanan ang speedboat ng alkalde patungo sa kaniyang sariling beach resort.
Nasa higt 50 pamilya ng Barangay Mabutag ang apektado ng ginagawang pag-demolish kung saan ilang mangingisda ay walang ng pinagkakakitaan.
Iginiit naman ni Kagawad Maricar Ortiz Fernando ng Barangay Sabang Piris na umaabot sa P300 kada araw ang nawalang kita sa kanila sa 150 pamilya na umaabot sa P45,000 ang kada araw na nawawalang kita ng naturang barangay.
Ngayon aniyang mayroon na namang panibagong bagyo, hindi na anila sila mapanatag dahil maaaring lumaki na naman ang dagat at tuluyang ng iguho ang kanilang mga tirahan.
Wala pa namang tugon dito ang panig ng alkalde.