-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nagtakbuhan palabas sa kanilang mga bahay at establisyemento ang mga residente sa Baler, Aurora nang maramdaman ang may kalakasang lindol kaninang umaga.

Naitala ng PHIVOLCS sa magnitude 5.4 ang tumamang lindol sa lalawigan ng Aurora.

Ang epicenter ng lindol ay naitala sa layong 16 kilometers southwest ng San Luis, Aurora.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dianne Dador, may-ari ng isang tindahan sa tapat ng Baler Terminal na bagama’t ilang segundo lamang ay naramdaman ang malakas na lindol kaya nagtakbuhan sila palabas sa kalsada.

Sinabayan ng lindol ng pagkawala ng daloy ng kuryente subalit bumalik din agad.

Ayon kay Dador, nangamba sila na magkaroon ng tsunami dahil malapit sila sa dagat.

Ani Dador, wala naman silang naramdamang aftershock matapos ang pagyanig.