-- Advertisements --

Pinag-iingat ng Bulacan Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga residente nito dahil sa posibilidad ng pagtaas ng tubig sa mga kailugan at mga sapa dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas ng lebel ng tubig ng Ipo at Angat Dam.

Hanggang sa mga ito kasi ay nagpapatuloy ang pagtaas ng lebel ng tubig sa mga naturang dam at kailangang ipagpatuloy pa rin ang pagpapakawala ng tubig.

Ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay nasa 213.39 meters at mas mataas kaysa sa normal water level.

Dahil dito, nagpapakawala ang dam management ng hanggang 145.50 cubic meters per second na tubig.

Maging ang Ipo dam ay bukas pa rin ang mga gate na unang binuksan ilang araw na ang nakakaraan.

Kabilang naman sa mga lugar na binabantayan ng PDRRMO ng Bulacan ay ang Angat, Norzagaray, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, Plaridel, Calumpit Paombong at Hagonoy.

Ang mga naturang lugar ay dinadaanan ng mga katubigang kumokonekta sa dalawang nabanggit na dam.