CAUAYAN CITY – Napakalaking hamon ngayon para sa mga residente sa Cataingan, Masbate ang pagpasok sa kanilang mga bahay dahil sa nararanasang aftershocks.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jay Ursabia, isang guro na residente sa Cataingan, Masbate, sinabi niya na nagwawalis siya ng mangyari ang 6.6 magnitude lindol habang ang kanyang asawa ay nagluluto at ang kanilang anak ay naglalaro.
Tumagal ang lindol ng halos 15 segundo kaya marami ang nahulog sa kanilang mga kagamitan.
Sa ngayon ay nananatili pa rin sila sa labas ng kanilang bahay at doon na sila natutulog, nagluluto at kumakain dahil sunud-sunod pa rin ang mga malalakas na aftershock.
Mas maganda aniya kung nasa labas sila para kung magkaroon man ng malakas na aftershock ay madali silang makapunta sa open area.
Ang isang hamon para sa kanila ngayon ay ang pagpasok sa loob ng kanilang bahay para maligo o magbawas dahil sa malakas na impact ng mga aftershock na kanilang nararanasan.
Sa kabila nito, bilang isang guro ay tuloy pa rin ang kanilang trabaho online para mapaghandaan ang pasukan ng mga mag-aaral habang ang mga nakatakda nilang gawain ay ipinagpaliban muna ng kanilang mga nakakataas.