DAVAO CITY – Bumubuti na ngayon ang lagay ng panahon sa Davao de Oro matapos ang mga pag-ulan kahapon na epekto ng Bagyong Auring na siyang dahilan ng paglikas ng ilang mga pamilyang naninirahan sa mga landslide-prone areas.
Sa panayam kay Joseph Loy, pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), magsasagawa na lamang ngayon ang lalawigan ng pag-obserba at assessment kung maaari nang bumalik ang mga pamilya na nananatili ngayon sa mga evacuation center.
Una na ring sinabi ni Loy na may naitala silang mga landslide at rock falls sa Davao de Oro ngunit na-clear na ito kaninang umaga dahilan na passable na rin ngayon ang mga kalsada sa lalawigan.
Kahit na bumubuti na ngayon ang lagay ng panahon sa lugar ay hindi pa rin aniya dapat na magpakampante ang mga residente lalo na’t hindi pa nagland fall ang bagyong Auring at maaaring makaranas pa rin ng mga pag-ulan.
Dagdag pa ng opisyal na walang mga pagbaha sa lugar ngunit bahagya namang tumaas ang alon kagabi dahilan na may mga residente rin na naninirahan sa tabi ng dagat ang inilikas.
Samantala, hindi pa pinayagan ngayon na pumalaot ang mga maliliit na bangka hangga’t hindi pa tuluyang lumayo ang Bagyong Auring.
Bumubuti na rin ngayon ang lagay ng panahon sa Davao oriental ngunit maingat ngayon ang lokal na pamahalaan ng Davao de Oro at Davao Oriental dahil tinatahak umano ng Bagyong Auring ang parehong direksiyon noong Bagyong Pablo kung saan maraming mga residente ang naitalang namatay.