LAOAG CITY – Ipinaalam ni Bombo International News Correspondent Jowena Roberts mula sa Orlando, Florida, na walang naiulat tungkol sa mga nasugatan o nasawi na Pilipino habang tumama ang malakas na hangin ng Hurricane Milton sa Westside ng Florida.
Aniya, nagpaalala ang Florida Government na magimbak ng pagkain at tubig bago dumating ang bagyo rason na nagkaroon ng panic buying 2-3 araw bago tumama ang hurricane.
Dagdag pa niya na ang mga Pilipino sa Tampa, Florida na kung saan unang nag-landfall ang Hurricane Milton, ay lumikas na patungong Orlando.
Samantala, pinaghandaan ng Florida government ang mga emergency response tulad ng paggamit ng malalaking bus, mga evacuation centers, at nakipag-ugnayan na sila sa ibang estado para tumulong sa posibleng pinsala ng bagyo.
Ipinasigurado naman niya na ligtas sila sa Orlando at inaasahang bababa ang lakas ng bagyo sa Category 2 pagdating nito sa kanilang lugar rason na hindi sila nag-evacuate sa ibang lugar pero nakahanda parin sila sa magiging epekto ng nasabing kalamidad.