-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Pinag-iingat pa rin ng mga otoridad ang mga mamamayan sa lungsod ng General Santos lalo na sa mga nakatira sa dalampasigan na maging alerto kasunod ng sunod-sunod na malalakas na pagyanig sa Davao Occidental.

Mula sa magnitude 6.3 na lindol na unang inilabas na report ng Phivolcs, ibinaba nito sa magnitude 5.9 ang na-record na pagyanig sa Sarangani ,Davao Occidental alas-3:18 ng hapon.

Matatandaang noong Setyembre 6 nang niyanig ng magnitude 6.4 ang Davao Occidental na sumentro sa Don Marcelino kung saan kasabay nito ay naramdaman rin ang Intensity 5 sa General Santos City.

Nabatid na sa mga nakaraang malalakas na pagyanig na tumama sa Davao Occidental ay nakaramdam din ang bahagyang pagyanig sa GenSan.

Sa pagyanig nitong hapon sa Davao Occidental, walang naramdaman na pagyanig ang mga residente sa lungsod.

Ayon sa Phivolcs, namataan ang episentro ng lindol sa layong 159 kilometers Southeast.

Nasa 73 kilometers ang lalim nito at tectonic ang origin.

Walang napaulat na agarang pinsala sa naturang lugar at karatig-bayan nito.

Ngunit hangtod nitong alas-5:00 ng hapon, naitala ang magnitude 4.1 na aftershock.

Una rito bandang alas-11:41 ng umaga, nagkaroon rin ng magnitude 5.5 na lindol.