-- Advertisements --
Lake Sebu South Cotabato
Lake Sebu

KORONADAL CITY – Relokasyon at hindi lamang pansamantalang paglikas ang inirekomenda ng Mines and Geosciences Bureau (MGB)-12 sa mga residente na nakatira sa mahigit limang sitio ng Brgy. Ned, Lake Sebu, South Cotabato na apektado ng landslide at tension cracks dulot ng walang tigil na pagbuhos ng ulan sa lalawigan.

Maging ang mga daanan ng mga residente sa nabanggit na bayan ang kailangan umanong ilipat dahil sa delikado para sa mga mamamayan ang posibilidad na mangyari muli ang pagguho ng lupa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mayor Floro Gandam ng Lake Sebu, South Cotabato, matagal na umanong tinututukan ang problemang ito at pinaghahandaan na rin sa ngayon ang lugar na maaring gawing relocation area ng mga residente na apektado.

Nagsagawa ng assessment at evaluation ang MGB-12 sa lugar kung saan nakita mismo ang malalaking bitak ng lupa sa mga provincial roads at ang pagguho ng lupa sa mga bahay na nasa itaas ng bundok maging ang mga paaralan na noon pa man ay problema na ang palaging pagbuhos ng ulan.

Ang nabanggit na mga Sitio ay kinabibilangan ng Sitio Eldolog, Tuburan, Polosubong, Kiantay at Tawang Dagat.

Sa bahagi lamang ng Sitio Tawang Dagat nasa mahigit dalawang ektarya ang gumuho at nakitaan ng bitak sa lupa.

Kaugnay nito, nanawagan ang opisyal ng pang-unawa at kooperasyon sa mga residente na apektado.