BACOLOD CITY – Nakalatag na ang mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus sa Japan matapos marekord ang pangalawang confirmed case ng virus.
Sa report ni Bombo correspondent Josel Palma, nasa stable condition na ang lalaki na nasa Tokyo Hospital ngayon matapos magbisita sa Wuhan City, China at nahawaan ng virus.
Sa ngayon, itinaas ng Foreign Ministry ang alert level 3 mula sa four-point scale kung saan isang travel advisory ang inilabas na nananawagan sa mga Japanese citizens na iwasang magbisita sa Wuhan City.
Inutusan din aniya ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang Cabinet ministers na paigtingin pa ang screening at inspection measures sa entry points ng bansa, kasabay ng ipinatawag na pulong.
Kabilang dito ay ang pagrequest sa mga airlines na gumawa ng in-flight announcements at mamahagi ng health declaration forms sa mga pasahero sa lahat ng flights mula sa China.
Kasabay nito ani Palma ay ang panawagan ni Abe sa mga Japanese citizens na huwag magpanic, maging kalmado at gumawa ng preventive practices laban sa trangkaso lalo na’t malamig ang panahon sa Tokyo.
Sa ngayon, may alcohol na inilagay sa mga bus sa Japan para gamitin ng mga pasahero sa pag-sanitize sa kanilang kamay pag-akyat at pagbaba ng bus.