ILOILO CITY – Nababahala sa ngayon ang mga residente sa Lahaina sa Maui, Hawaii na samantalahin ng mga investors ang nangyaring wildfires upang bilhin ang kanilang mga lupain.
Ang Lahaina ang isa sa mga bayan na labis na na-apektuhan ng malawakang wildfires kung saan, 80 porsyento ng mga istruktura ang nasira.
Hindi pa man nakahanap ng mauuwian ang mga residente, tumatawag na ang mga investors at nag-aalok na bilhin ang kanilang lupain.
Upang maiwasan itong mangyari, ipinag-utos na ni Hawaii Governor Josh Green ang pag-issue ng moratorium sa pagbenta ng mga properties na naapektuhan o nasira dahil sa wildfires.
Samantala, nagpapatuloy parin ang pagbibigay ng tulong sa mga apektado mula sa iba’t-ibang bahagi ng Hawaii.
Ayon kay Bombo Jerry Saludes, international correspondent sa Hawaii, sinabi nito na mismo ang mga residente na ang nagbobulantaryo sa pagbahagi ng tulong sa mga kapwa residente na labis na naapektuhan.
Aniya, umuulan rin ang tulong mula sa international community.
Nagpasalamat rin ito sa lahat na nag-alay ng dasal at Aloha spirit.
Sa ngayon, patuloy pa na umaakyat ang bilang ng mga namatay.