KALIBO, Aklan — Umaasa ang mga residente na walang anumang seryosong banta sa Pilipinas ang natagpuan kamakailan na submersible drone sa karagatang sakop ng Brgy. Inawaran sa San Pascual, Masbate.
Ayon kay Kenneth Butal, Kaakibat Civicom President sa naturang lugar na naghihintay rin sila ng resulta ng ginagawang imbestigasyon ng mga kinauukulan lalo na ang forensic analysis.
Nais umano nilang malaman kung ano ang pakay ng drone lalo pa at ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng kanilang lugar na may nadiskubreng ganitong bagay ang mga mangingisda.
Ang six-foot drone na gawa sa PVC at metal na pinaniniwalaang Chinese origin na natagpuang palutang-lutang sa dagat ay lumitaw na deactivated.
Lumabas din sa inisyal na assessments na ang drone ay isang remote-controlled electronic device, na ginagamit sa communication at navigation.
Sa kabila nito, sinabi ni Butal na dapat rin na kumilos dito ang Senado at Kongreso lalo pa at pagkatapos matagpuan ang drone ay ilang naglalakihang barko ng China kasama ang binansagang monster ship ang nakitang nasa bisinidad ng Exclusive Economic Zone ng bansa.