Pinayuhan ng mga kinauukulan ang mga residente sa ilang bayan sa Northern Cebu na iwasang kumain ng shellfish dahil sa red tide.
Ito’y kasabay ng pagtataas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Central Visayas ng red tide alert sa Bogo-Medellin Bay.
Itinaas ito matapos na magpositibo sa toxic red tide ang mga sample ng sea urchins na nagmumula sa lugar batay sa isinagawang pagsusuri ng Regional Fisheries Laboratory.
Samantala, sinabi ng ahensya na safe kainin ang isda, squid, crab, at hipon basta’t ang lahat ng laman-loob ay aalisin at hugasan ng maigi gamit ang running water.
Itinaas din ang red tide alert sa Madridejos sa Bantayan Island, Cebu at hiniling sa mga residente na iwasan ang pagkolekta, pagbebenta, o pagkonsumo ng anumang shellfish o bivalves at sea urchin.
Nagbabala rin si Reynaldo Santillan, municipal agriculturist ng Madridejos, na ang paglunok ng kontaminadong seafood ay maaaring humantong sa pagkalason at magdulot ng malubhang panganib sa kalusugan.
Ang red tide ay isang natural na penomenon na dulot ng biglaang pagdami ng populasyon ng mga mapaminsalang algae.
Maaari itong magdulot ng mga mapaminsalang epekto sa kalusugan ng tao, tulad ng paralytic shellfish poisoning at diarrhetic shellfish poisoning.