KORONADAL CITY – Umapela ng tulong sa pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga residente ng Brgy. Molon, Palimbang, Sultan Kudarat dahil sa patuloy umanong pangha-harass at pananakot ng private armed group.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Barangay Chairman Salik Adam, sinabi nito na ang grupo ni ex-barangay chairman Kalid Kalaing ang tinutukoy ng mga ito na nanggugulo sa kanilang barangay.
Nilinaw din ni Adam na hindi rido ang nangyayari sa kanilang barangay kundi pananakot at pangugulo ni Kalaing at mga kasamahan nito.
Ang grupo umano ni Kalaing, kasama ang halos 20 armadong kalalakihan, ang pumatay sa 15-anyos na estudyanteng kinilalang si Mojahid Sanggayen na kanilang tinambangan sa Sitio Kumilat, Brgy. Ned, Lake Sebu, South Cotabato noong nakaraan.
Sinundan ito ng pamamaril sa mga sibilyan na papuntang mosque, pagnanakaw ng mga hayop at kagamitan ng mga residente at ang pagsira sa kabahayan na kanilang pinagnakawan.
Maliban dito, sila rin umano ang responsable sap ag-atake sa CAGFU detachment sa nabanggit na lugar.
Napag-alaman na may pending warrant of arrest si Kalaing kasama ang mga kamag-anak nito dahil sa kasong robbery.