Pinag-iingat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang mga residente sa daluyong o storm surge, landslide at pagbaha sa mga lugar na tutumbukin ng Bagyong Ompong.
Apela ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad sa mga residente na sumunod sa mga abiso ng kanilang mga lokal na opisyal lalo na kung magpapatupad na ng pre-emptive evacuation dahil ito ay para sa kanilang kaligtasan.
Ipinauubaya na rin ni Jalad sa mga local government units ang pagpapatupad ng pre-emptive evacuation dahil ang Ompong ay magdadala ng malakas na ulan at pagbayo ng hangin.
Tinukoy ni Jalad ang coastline ng Cagayan at western coast ng Luzon, partikular ang Ilocos Norte, na maaaring magkaroon ng storm surge habang sa Cordillera ay landslide at mga pagbaha.
Inaasahang mararamdaman ang hagupit ng bagyo sa Regions 1, 2, 3 at sa Cordillera.
Samantala, tinututukan din ng NDRRMC ang tatlong dam na matatagpuan sa Northern luzon sa posibilidad na magpapakawala ito ng tubig nang sabay-sabay.
Ayon kay Jalad, nakatutok ang national council sa mga ginagawang paghahanda ng mga LGUs kung saan inactivate na rin ng Department of the Interior and Local Government ang kanilang reporting systems.
Naka-preposition na rin sa ngayon ang kanilang mga family food packs, maging ang mga non-food items.
Sinabi ni Jalad na nakahanda na rin ang mga gagamiting back up communications gaya ng satellite sakaling bumagsak ang linya ng mga komunikasyon.
Maging ang mga third responders na siyang aayuda sa mga apektadong mga indibidwal.
Sa ngayon nasa 75% nang plantsado ang paghahanda ng NDRRMC para sa paparating na sama ng panahon.