-- Advertisements --

VIGAN CITY – Takot at pangamba pa rin ang nararamdaman ngayon ng mga naninirahang residente malapit sa CAFGU detachment na nilusob ng 40 miyembro ng New People’s Army kaninang umaga sa Sitio Mong-ol, Barangay Maguyepep, Sallapadan, Abra.

Sa nasabing paglusob, dalawang CAFGU members ang binawian ng buhay na nakilalang sina CAFGU Active Auxiliary Dandy Wacguisan ng Lingey, Bucloc, Abra at CAA Gordon Gallao ng Sitio Callaban, Brgy. Bazar, Sallapadan, Abra.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula kay P/MSgt. Herbert Manggad ng PNP- Sallapadan, pinaniniwalaang pinalibutan umano ng mga rebelde ang nasabing detachment kaya hindi kaagad nakapasok ang reinforcement galing sa kapulisan at militar.

Aniya, pumuwesto umano sa mataas na bahagi ng lugar ang mga kalaban kaya hindi kaagad nakabawi ng putok ang mga nasa loob ng detachment na aabot sa 30.

Sa unang putok pa lamang umano, natamaan na si Wacguisan samantalang nagawa pang maitakbo sa ospital sa Bangued, Abra si Gallao ngunit binawian rin ng buhay.

Limitado lamang umano ang putok ng mga CAFGU members dahil sa pangambang mayroong matamaan ng ligaw na bala sa mga residenteng nakatira malapit sa kanilang detachment.

Sa tantiya ng kapulisan, alas- 8:10 ng umaga nagsimula ang putukan at natapos ng mahigit dalawang oras.

Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyong isinasagawa ng mga kapulisan sa nasabing pangyayari kasabay ng pagtitiyak sa mga residente sa lugar na ligtas sila at walang dapat na ikatakot.