(Update) LEGAZPI CITY – Hindi pa umano nakakarekober sa sinapit na takot ang ilang residente malapit sa Police Community Precinct 4 (PCP) sa Brgy. Taysan, lungsod ng Legazpi matapos ang palitan ng putok at pagsabog na narinig.
Maaalalang nilusob ng armadong kalalakihan ang naturang lugar nitong Linggo ng gabi habang naghahanda nang matulog ang mga residente.
Ibinahagi ni “Eden” sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hinihintay sana niya ang anak na umuwi nang marinig ang palitan ng putok.
Mabilis naman itong pinapasok sa kwarto ng asawa at mahigit 30 minutong nakadapa at karagdangang isang oras pa bago lumabas.
Sa takot ni Eden, nais na aniya ng mga anak nila na umalis na sa lugar kung saan isang taon pa lang itong naninirahan.
Sa kabilang banda, hindi naman umano nakatulog ang pamilya ni Josephine dahil sa nangyari.
Una nang inakala na dahil sa kable ng kuryente ang pagputok subalit ng mapagtanto ang nangyari, saka ito nakaramdam ng kaba.
Nabatid na nasa likod lamang ng PCP-4 ang bahay ng naturang mga residente.
Samantala naniniwala ang mga ito na maibabalik ang katahimikan sa lugar sa tulong ng mga pulisya.