DAGUPAN CITY – Nagsisiuwian na umano ngayon ang ilang mga residente na naapektuhan ng kaguluhan sa lungsod ng Marawi na lumipat ng Maynila upang makatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Al Hamar, isa sa mga naapektuhan ng Marawi Siege noong 2017, may mga kababayan na raw ito na lumipat ng Maynila ang pinipiling umuwi na sa Marawi para makakuha ng tulong sa gobyerno.
Base aniya sa kaniyang kapatid na nakatanggap na rin ng tulong pinansiyal mula sa pamahalaan na umaabot sa mahigit P73,000 ang natatanggap ng bawat pamilyang naapektuhan ng kaguluhan partikular sa main battle area.
Ngunit pansamantala aniyang na-hold ang naturang hakbang dahil sa problema ng ilang mga residente kaugnay sa pag-aaply sa naturang ayuda.
Aniya, mas mainam na ang mga barangay chairman na lamang ang tumukoy sa mga apektadong residente dahil ang mga ito ang nakakakilala sa kanilang mga nasasakupan.
Matatandaang umaabot sa P36.92-milyong halaga ng pondo ang nalikom na donasyon para sa mga naapektuhan ng Marawi siege.