-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Papayagan na ng government ng Kidapawan na mag-operate muli ang mga sabungan sa lungsod ngunit kinakailangan pa ring sumunod ang mga ito sa mga itinatakda ng pamahalaan kontra sa COVID-19 pandemic.

Bago ito mismong National Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases ang unang nagpalabas ng guidelines patungkol sa pagpayag na magbukas muli ang mga sabungan matapos itong ipasara alinsunod sa mga umiiral na health protocols.

Tanging mga lugar na napapabilang sa Modified General Community Quarantine kagaya ng Kidapawan City ang pinayagang pabuksan muli ang mga cockfighting arena para sa mga parokyano.

Bagamat ay papayagan ng magbukas, mahigpit na ipatutupad ng city government ang mga minimum health protocols para masigurong hindi kakalat ang COVID-19 saka-sakali.

Ilan lamang dito ay ang mga sumusunod: dapat ay may business permit at prangkisa ang operator ng sabungan; may nakalagay na Closed Circuit Television Camera; oobligahin ang lahat ng mga papasok sa sabungan na magsuot ng face mask at face shields, thermal scanning at sumunod sa disinfection protocol, bawal na pumasok ang may ubo at sipon kahit mababa pa sa 37.5 degrees Celsius ang kanyang body temperature, istriktong physical distancing ng mga parokyano, hanggang sa maximum na 30% ang papapasukin sa loob, mahigpit na pagbabawal na gumamit ng android o smartphone o anumang uri ng electronic gadget para maiwasan ang livestreaming o pagpo-post sa social media habang isinasagawa ang sabong, bawal na sumigaw ang mga parokyano habang naglalagay ng taya sa manok, bawal pumasok ang mga nakainom o lasing, bawal na magtinda ng alcoholic na inumin sa loob at labas ng sabungan, at iba pa.

Isasailalim naman ng COVID-19 Compliance Monitoring Team ng city government sa masusing inspeksyon ang mga sabungan para masigurong makakasunod ang mga ito sa mga panuntunan.

Ire-require na rin ng COVID-19 Compliance Monitoring Team ng City Government na magparehistro sa Electronic Pass System ng Operation Center ng CDRRMO ang mga nagnanais pumasok at tumaya sa sabungan isang linggo bago pabubuksan muli ang mga tupada.

Mabibigyan din ng QR Code ang magpaparehistro bilang requirement para makapasok at makasali sa sabong.

Makakatulong ito sa gagawing contact tracing kung sakali mang may nagka covid na puamasok sa sabungan.

Positibo naman at makikipag-cooperate ang mga nagmamay-ari ng sabungan patungkol sa mga ipatutupad na polisiya.

Kinakailangang sumunod ang lahat na magsasabong dahil agad-agad na isasara ng city government ang mga cock fighting arena kapag nakitaan ng paglabag sa itinakdang minimum health protocols.