Itinuturing ng Department of Justice bilang isang malaking development laban sa kaso ni Apollo Quiboloy ang mga testimonya ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) HR manager Marissa Duenas.
Maalalang sa pagpasok ni Duenas sa isang plea deal sa US ay isinalaysay niya ang mga ginagawa ng KOJC na serye ng marriage fraud para makalikom ng malaking halaga ng pera.
Bahagi umano ng kaniyang trabaho ang pagkuha ng mga pekeng pasaporte at immigration documents at ibinibigay sa mga KOJC members dito sa Pilipinas na silang pinapadala sa US.
Pagdating sa US, ipinapakasal umano sila sa mga miyembro ng KOJC na mayroon nang US citizenship upang manatili sila sa naturang bansa at makapagsolicit. Ang mahihinging pera aniya ay dinadala sa KOJC at ginagamit ng mga church leader.
Ayon kay DOJ Spkesperson Asec. Mico Clavano, malaking tulong sa ahensiya ang lahat ng testimoniya ni Duenas, lalo na sa pagnanais ng DOJ na imbestigahan at panagutin si Apollo Quiboloy ang mga kapwa niya akusado.
Kailangan lamang aniyang magawan ng paraan ng DOJ para magamit ang naturang testimonya at tanggapin ng korte ng bansa.
Samantala, itinuturing naman ng DOJ bilang isang malaking hamon kapwa sa Philippine at US government ang ginawa ni Quiboloy, na paghahain ng kandidatura lalo na sa usapin ng extradition sa kaniya.
Ayon pa rin kay Clavano, maaaring sa pamamagitan ng mga salaysay ni Duenas ay mapapabilis ang extradition kay Quiboloy ngunit magiging isang mabigat na desisyon sa panig ng Pilipinas.