Pagbibigyan umano ng Department of Education (DepEd) ang mga eskwelahan na naapektuhan ang mga paghahanda sa pagbubukas ng klase bunsod ng ipinatupad na modified enhanced community quarantine sa Metro Manila at ilan pang mga kalapit na lalawigan.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, aminado silang may epekto ang implementasyon ng MECQ sa preparasyon para sa school opening lalo na sa usapin ng suplay o logistics.
Kaya naman, sinabi ni Briones na posibleng bigyan ang naturang mga paaralan ng karagdagang panahon o allowance para i-adjust ang kanilang mga aktibidad kung maantala ang paglilimbag ng mga modules dahil sa ilang mga restrictions bunsod ng dalawang linggong quarantine.
Sa panig naman ni Undersecretary Nepomuceno Malaluan, maaaring magpatupad sila ng ilang mga adjustment para sa mga paaralang naabala ang paghahanda dahil sa MECQ, lalo na kung magpasya ang pamahalaan na palawigin pa ang quarantine restriction.
“As mentioned by Secretary [Briones], there can be a certain relaxation in the opening as far as what will be delivered in the first week to compensate for whatever dislocation of physical and logistical activity without having to defer the opening of classes,” wika ni Malaluan.
Batay sa pinakahuling datos ng kagawaran, umabot na sa mahigit 23-milyon ang mga nag-enroll sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan sa buong bansa.
Sa nasabing bilang, nasa 3.1-milyon ang nag-enroll sa Region 4A o CALABARZON, at mahigit sa 2.3-milyon na ang nagpatala sa Metro Manila.
Sa oras naman na ma-delay ang paglilimbag ng modules, sinabi ni Usec. Diosdado San Antonio na binigyan na ng otoridad ang mga paaralan at division offices para gamitin ang kanilang locally developed Self-Learning Modules (SLMs).