-- Advertisements --

Inanunsyo ng Malacañang na isasara muna ang lahat ng mga sementeryo sa buong bansa mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4 upang maiwasan ang pagtitipon-tipon ng mga tao sa panahon ng Todos Los Santos.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kasama rin sa mga sarado pansamantala sa nasabing petsa ang mga kolumbaryo.

“Lahat ng mga pribado at pampublikong mga sementeryo at memorial parks ay isasara sa mga bisita mula Oct. 29 hanggang Nov. 4, 2020,” wika ni Roque sa press briefing sa Baguio City.

“Pwede naman po tayo dumalaw bago isara at matapos isara ang mga sementeryo,” dagdag nito.

Aprubado rin aniya ng Inter-Agency Task Force ang temporary closure ng mga libingan.

Para mapagbigyan naman ang mga Pilipino na madalaw ang kanilang mga namayapang mahala sa buhay, maaaring tumanggap ng bisita ang mga sementerto ng hanggang sa 30% ng kanilang venue capacity.

Dagdag pa ng kalihim, dapat ay may suot na face mask at face shield ang mga magbabalak na magpunta sa mga libingan.