CENTRAL MINDANAO- Sarado para sa lahat ng mga bibisita ang mga sementeryo sa lungsod ng Kidapawan mula simula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4, 2020.
Sa bisa ng Executive Order number 076 series of 2020 na pinirmahan at inilabas ni City Mayor Joseph Evangelista, ipinag-uutos na isasarado muna ng City Government ang lahat ng mga libingan sa mga petsang nabanggit.
Basehan nito ang Item B(2) ng Resolution number 72 series of 2020 ng National Inter Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases na nag-uutos sa pagsasara ng lahat ng pampubliko at pribadong sementeryo, memorial parks at mga kolumbaryo sa buong bansa bahagi ng mga quarantine protocols laban sa Covid19.
Maari kasing muling madaragdagan ang mga kaso ng Covid19 lalo na at inaasahang magsisi-uwian sa kani-kanilang mga lugar ang maraming mamamayan upang ipagdiwang ang undas.
Inutusan na rin ni Mayor Evangelista ang Compliance Monitoring team ng City Government na makipag ugnayan sa PNP at Traffic Management Unit na ipatupad ang direktiba ng National IATF.
Posibleng isasara din sa mga motorista ang mga daan na nakapalibot sa Public Cemetery sa Barangay Binoligan, Catholic Cemetery, Cotabato Memorial Park, Kidapawan Memorial Park at sa Cautivar Private Cemetery sa mga petsang nabanggit.
Hinihingi ng City Government ang pang-unawa at kooperasyon ng lahat para na rin maiwasan pa ang pagkalat ng Covid19