Muling lumantad sa ikalawang pagdinig ng Senado si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na iniuugnay umano sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at mga kriminals.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, na pinamumunuan ni Senadora Risa Hontiveros, hinimay ng chairman ng komite ang buong pagkakakilanlan ni Mayor Alice.
Duda kasi ang mga senador sa inilabas na birth certificate ni Mayor Alice na nakalagay ang pangalan ng kanyang ama na si Angelito Guo at ina nito na si Amelia Leal na umano’y kasambahay ng kanyang ama.
Nakalagay din sa birth certificate na kasal ang kanyang ina kay Angelito noong October 14, 1982 at kinasal pa ulit sa iba ring petsa.
Lumalabas din na may mga kapatid si Mayor Alice na si Shiela Leal Guo at Seimen Leal Guo na base sa birth certificate ng mga ito ay iisa ang kanilang ina at ama.
Magugunitang iginigiit nito noong unang pagdinig na hindi niya kilala ang mga ito kahit pa sa iisang address sila nakatira.
Paulit-ulit lamang ang naging sagot ni Mayor Alice na hindi niya alam ang nilalaman ng mga birth certificate at hindi siya ang naghanda ng mga ito.
Dahil sa paulit-ulit na pahayag ni Mayor Alice na hindi niya alam ang kanyang pagkakakilanlan, hinamon ni Senador Raffy Tulfo ang Alkalde na magsagawa ng lie detector test. Bagay na inayunan ni Mayor Alice.
Samantala, ipinasilip naman ni Senadora Risa Hontiveros sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang records ng kasal ng mga magulang ni Mayor Alice lumalabas na walang marriage record at wala ring records ng kapanganakan ng mga ito.
Iginiit ni Hontiveros na lalo lamang nadadamay ni Mayor Alice ang kanyang pamilya dahil sa patuloy itong pag-iwas at pagsagot na wala namang katotohanan.
Tinanong din ni Hontiveros ang Commission on Elections (Comelec) kung anong magiging pananagutan ni Mayor Alice sa oras na mapatunayang peke ang kanyang birth certificate at hindi tunay na Pilipino.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, sa oras na maghahain muli ito ng Certificate of Candidacy at nakapag-file ng formal petition hindi ito ground for disqualification sa halip ay ground for cancellation ng kanyang kandidatura.
Gayunpaman, iimbitahan naman sa susunod na pagdinig ang dating alkalde ng Bamban dahil isa ito sa mga nag-endorso kay Mayor Alice at posibleng nakakaalam sa pagkakakilanlan nito.
Ipapatawag din ang midwife na nagpaanak sa alkalde, ang barangay chairman sa lugar kung saan makikita ang farm nito, mga suki na pinagbebentahan ng kanyang babuyan, at mga tauhan ng kanyang farm.