-- Advertisements --

Nanawagan sa mga senador ang dalawa sa pinuno ng Young Guns ng Kamara na pakinggan ang lumalakas na sigaw mula sa publiko at mga organisasyon para sa isang maagang paglilitis sa Senado ni impeached vice president Sara Duterte.

Ginawa nina Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union at Assistant Majority Leader Ernesto Dionisio Jr. ng Maynila ang apela sa isang pulong balitaan kasunod ng plano ng mga progresibong grupo na magsagawa ng mga rally para himukin ang Senado na magpulong kaagad bilang isang impeachment court.

Tinukoy ni Dionisio ang atas ng Saligang Batas para sa Senado na “proceed with the trial forthwith” o agad simulan ang paglilitis kung ang isang impeachment complaint ay nilagdaan ng isang-katlo ng lahat ng miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan.

Ang impeachment petition laban kay VP Duterte ay nilagdaan ng 215 na miyembro ng Kamara, higit sa dalawang-katlo ng 306-na miyembro ng Kamara.

Muli niyang iginiit na nasa kamay na ng  mga senador kung paano bibigyang kahulugan ang atas ng Konstitusyon.

Nagpahayag si Ortega ng pag sangayon sa mga humihiling ng maagang paglilitis na maaantala ng higit sa apat na buwan dahil sa kasalukuyang kampanya sa halalan ay masyado ng matagal.

Gayunpaman, nagpahayag siya ng kumpiyansa na gagawin ng mga senador ang tama at tutuparin ang panawagan na umaksyon.
Karapatan din aniya ng mga people’s organization na manawagan wag maantala ang paglilitis kay VP Duterte.