Ikinalugod ng mga senador ang pagiisyu ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ng executive order hinggil sa tuluyang pag-ban ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, patunay na pinaninindigan ng pangulo ang naging desisyon niya ilang buwan na ang nakaraan dahil na rin sa mga naglipanang sindikatong kriminal na nagtatago sa operasyon ng POGO.
Samu’t sari na rin aniya ang masamang epekto at pagsamantala ng mga nasa likod na operasyon ng POGOs kaya’t dapat lamang aiya na i-ban na ang mga ito.
Sinabi naman ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian, ito ay nagpapatunay sa pangako ng gobyerno na pangalagaan ang mga mamamayan at bansa mula sa mga pangaabuso at kapahamakang dulot ng POGO.
Siniguro naman ni Senador Joel Villanueva na itutuloy pa rin ng Senado ang pagpapatibay sa Anti-POGO Act at Anti-Online Gambling Act na ang parehong layunin ay wakasan at parusahan ang lahat ng uri ng e-gambling sa bansa.
Samantala, bagama’t pinapurihan ni Senadora Risa Hontiveros ang pag-isyu ng pangulo ng EO, may mga napuna ito na hindi malinaw.
“Una, tila hindi exempted yata ang mga PAGCOR-operated and licensed casinos sa pagpapatakbo ng offshore online games of chance. Sabi sa section 1b., ang depinisyon daw ng POGO na sakop ng ban ay “excludes online games of chance conducted in PAGCOR-operated casinos, licensed casinos, or integrated resorts with junket agreements. Pangalawa, hindi pa din malinaw sa akin kung sakop ng ban ang CEZA at iba pang economic zones, ani Hontiveros.”
Titiyakin naman daw ni Hontiveros sa periods of interpellation and amendments na ang mga gaps at butas ay mapupunuan.