Umalma ang ilang mga senador sa naging pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi dapat maging mapili ang mga Pilipino sa brand ng COVID-19 vaccine na kanilang matatanggap sa isasagawang vaccination program ng pamahalaan.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, hindi ito ang wastong information campaign upang isulong ang mass inoculation sa publiko.
“Instead of building people’s confidence by starting with a higher efficacy vaccine and accomplish its intended purpose, to tell them they can’t be choosy is definitely not a smart information campaign to promote mass inoculation,” saad ni Lacson.
Wala rin umanong lugar ang pagiging arogante ngayong panahon ng pandemya.
Giit pa ni Lacson, dapat ilunsad ng pamahalaan ang kanilang vaccination program tampok ang bakunang may pinakamataas na efficacy rate upang pataasin din ang kumpiyansa ng publiko.
“Aside from making the people feel that they are at the mercy of government authorities in the choice of vaccines to inoculate themselves with, it would be wise, even simple common sense, for the national government to kickstart its vaccination program with the highest efficacy vaccines in order to build the confidence of the Filipinos towards mass inoculation, especially because of their strong aversion to vaccination,” dagdag nito.
Sa panig naman ni Sen. Francis Pangilinan, inihayag nito na maliban sa insensitive ang pahayag ni Roque, pinalala lamang daw nito ang kawalan ng tiwala ng publiko sa bakuna.
“Itong mga bitiw na salita ng spokesperson tungkol sa bakuna sa totoo lang ay nakakadagdag sa kawalan ng tiwala sa bakuna ng taumbayan. Hindi nakakatulong,” ani Pangilinan.
Una rito, sinabi ni Roque na hindi raw dapat maging mapili ang publiko sa COVID-19 vaccine na matatanggap nila sa pamahalaan.
Maaari rin aniya na hindi magpabakuna ang mga nasa priority list, ngunit kailangang pumirma ng waiver ang mga ito kung saan nakasaad na tumatanggi silang magpaturok ng bakuna.