Naniniwala si dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) president Domingo Cayosa na maaaring maghain ang mga senador ng kaso laban kay dating Pang. Rodrigo Duterte, kasunod ng kaniyang mga pahayag na patayin ang 15 kasalukuyang senador upang makapasok ang mga senatorial bet ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan.
Ayon kay Cayosa, bagaman lumalabas na biro lamang ito ng dating pangulo, maaari umanong maghain ng kaso ang sinumang senador na personal na nababahala o natakot sa naging pahayag ng dating pangulo.
Kailangan lamang aniyang mag-testify ang mga ito at ituring ang naging pahayag ng pangulo bilang banta sa kanilang sarili o kaligtasan.
Giit ni Cayosa, isa itong public crime at maaaring usigin ito ng korte.
Gayonpaman, kung wala aniyang senador na magte-testify laban sa impact ng mga pahayag ni Duterte, posibleng mahirapang mag-sampa ng kaso tulad ng grave threat, kahit pa magsagawa ang National Bureau of Investigation ng sarili nitong pagsisiyasat.
Ayon sa dating IBP president, ibabatay pa rin ng korte ang desisyon sa kung anumang ebidensiyang makukuha at iprepresenta.
Nitong nakalipas na lingo nang sinabi ni dating Pang. Duterte sa proclamation rally ng PDP-Laban na patayin na lamang ang mga senador upang magkaroon ng vacancy.
Sakaling makakapatay ng 15 senador aniya, ay maaaring makapasok na ang lahat ng mga senatorial candidate ng PDP. Bagaman nakakalungkot aniya ito kung mangyari, pero marami sa kanila aniya ay nakakainis
Bagaman tumawa ang mga suporter ng PDP-Laban na bahagi ng rally, sinabi ni Atty. Cayosa na hindi isang ‘excuse’ na tukuyin ito bilang isang biro lamang, bagkus, kailangan ding tingnan ang iba pang pangyayaring kaakibat ng naging pahayag.