Nagpahayag ng pagkabahala si Senadora Imee Marcos na mas malala pang sitwasyon ang mararanasan sa Western Visayas sa tag-init sa oras na hindi maaksyunan ang kakapusan ng enerhiya sa rehiyon.
Binigyang-diin ni Marcos na hindi dapat nararanasan ang ganitong suliranin sa pagbubukas pa lamang ng bagong taon.
Sa gitna aniya ng paninisi sa power plant tripping, naiwasan sana ang problema kung nakumpleto na ang Cebu-Negros-Panay backbone project na long-term solution para sa krisis sa enerhiya sa naturang lugar.
Nangako rin si Marcos na maghahain ng resolution upang siyasatin ang isyu at matukoy ang tunay na dahilan ng power outage at maglatag ng mga posibleng solusyon.
Nakababahala aniya na sa pagpasok ng summer season ay mas malala pang mga power outages ang maranasanan na labis na makaaapekto sa ekonomiya.
Samantala, Iginiit naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa golbyerno na magkaroon ng short at long term plans para sa pagtiyak ng matatag na power source sa bansa.
Tinukoy ni Villanueva na batay sa datos ng Department of Energy (DOE), 50 percent ng power plants sa Pilipinas ay nasa 20 taon na.
Dahil dito, mahalaga aniyang mayroong plano o programa ang gobyerno upang maiwasan na ang mga power interruptions sa hinaharap.
Para naman kay Senador Bong Go, kailangan nang mabilisang pagkilos mula sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan at Utility Companies upang matugunan ang Malawakang Brownout sa Western Visayas.
Sinabi ni Go, na napakatindi ng epekto sa buhay ng ating mga kababayan sa Panay At Negros Island ang kakulangan ng supply sa kuryente.
Maliban sa perwisyo nito sa negosyo ay hindi rin matatawaran ang epekto nito sa mga ospital na buhay ang malalagay sa alanganin dahil sa brownout.