-- Advertisements --

Nakiisa ang mga senador sa paggunita ng Eid al-Fitr o ang pagtatapos ng banal na panahon ng Ramadan. 

Dalangin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ang pagdiriwang ng Eid al-Fitr ay magbigay-daan para sa pagkakaisa at kapayapaan ng bansa. 

Sa kabila aniya ng pagkakawatak-watak sanhi ng mga kaganapang pampulitika, naniniwala ang senador na ang Eid al-Fitr ay magsisilbing inspirasyon para sa pagkakasundo at pagkakaunawaan ng bawat Pilipino.

Giit ni Escudero ang pananampalataya at sakripisyo ng mga Kapatid nating Muslim sa panahon ng Ramadan ay paalala sa ating lahat ukol sa kahalagahan ng pagtitiis, pagmamalasakit, at pagmamahal sa kapwa. 

Ayon naman kay Senadora Risa Hontiveros, maghatid aniya ang paggunita ng Eid al-Fitr ng malusog na pangangatawan, pagkakaisa, pagmamahalan at kapayapaan. 

“Hindi po biro ang ipinakita ninyong debosyon nitong nakaraang buwan.Tanggapin sana ng Allah ang lahat ng inyong sakripisyo at pagkakawanggawa,” mensahe ni Hontiveros

Nagpaabot din si Senador Robinhood Padilla, sa Filipino Muslim community ng mensahe ngayong ginugunita ang pagtatapos ng banal na panahon ng Ramadan. 

“Binabati po namin [ang] lahat ng Eid Mubarak. Ngayon po ang Eid al-Fitr, ito po ang piyesta ng mga Muslim, umpisa po ngayon, tatlong araw po iyan—InshaAllah tanggapin po ng Paginoong Allah ang lahat ng ating mga dasal, ating mga hiniling, ating paghingi ng tawad, sa kanya,’ mensahe ni Padilla.

Una rito, idineklara ng Malacañang ang Martes, Abril 1 bilang holiday para sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr.

Ang Eid’l Fitr ay major Islamic festivity kung saan pagtatapos ng banal na panahon ng Ramadan —  isang buwan ng pag-aayuno, na nagsimula noong Marso 2, 2025.