Ikinatuwa ng ilang senador ang pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, pinapurihan ni Senate blue ribbon committee chairman Senator Richard Gordon ang Pangulo dahil sa pakikinig sa galit at reaksyon ng taongbayan.
Para kay Gordon malaking tulong daw ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa Senado upang manumbalik ang tiwala sa gobyerno at mas luminaw pa ang tunay na nangyayari sa loob ng BuCor at NBP.
Sinabi naman Senate President Vicente Sotto III, inaasahan na niya ang pagsibak ng Pangulo kay Faeldon at dapat ang ibang mga opisyal ay dapat na ring magbitiw.
Ayon naman kay Senator Panfilo Lacson, nararapat lamang ang ginawang ito ng Presidente dahil sa malaking kahihiyan ang idinulot ni Faeldon.
Kapwa pabor din sina Minority Senators Franklin Drilon at Francis Pangilinan subalit dapat ay hindi na raw mailipat pa sa ibang ahensya si Faeldon.
Suportado naman ni Senator Bong Go ang pahayag ng Pangulo na dapat ibalik sa mga kulungan ang hindi “deserving” na mabigyan ng good conduct time allowance (GCTA).
Naniniwala naman si Speaker of the House Alan Peter Cayetano na ang pagsibak kay Faeldon ay bilang patuloy na kampanya sa laban ng Pangulo sa mga opisyal na nasasangkot sa kurapsyon.
Una nang sinibak ni Pangulong Duterte si Faeldon dahil sa usaping GCTA kung saan muntikan na ang pagpapalaya sa convicted rape-killer Antonio Sanchez.
Nasa 1,700 umanong mga convicts ang nakinabang sa GCTA tulad ng tatlong suspeks sa Chiong sisters rape-slay case.