CENTRAL MINDANAO – Nag-alsa masa ang ilang mga sibilyan sa Brgy Kabalantian, Arakan, North Cotabato laban sa grupo ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay Brgy Kapitan Charlie Segucal, hindi na nila masikmura ang pahirap ng mga rebelde sa sobrang panghihingi ng revolutionary tax na animo’y ninanakawan na ang mga sibilyan.
Dagdag pa ni Segucal, halos lahat ng kaguluhan sa kanilang barangay ay kagagawan daw ng mga NPA.
Nagkaisang nagsagawa nang walk for peace at peace rally ang mga residente ng Barangay Kabalantian sa Arakan kasabay din nang pagdedeklara na persona non grata ang CPP-NPA-NDF sa kanilang lugar.
Sa tuloy-tuloy na community support program ng 19th Infantry Battalion Philippine Army namulat ang mga residente sa bayan ng Arakan sa walang katuturan na pinaglalaban ng mga NPA.
Aminado rin si Segucal na noong nakalipas na mga taon ay marami ng nangyayaring patayan sa kanilang barangay na halos kagagawan ng NPA.
May mga residente ang pinapilit ng mga rebelde na umanib sa kanilang grupo kahit menor de edad.
Natatakot na ang mga residente na sa darating na panahon pati sila ay madamay sa nagyayaring kaguluhan kaya umalsa na sila laban sa NPA.
Matatandaan na buong North Cotabato ay deniklarang persona non grata ang mga NPA sa ginanap na pagpupulong ng Provincial Peace and Order Council.