CENTRAL MINDANAO – Nakadama ng takot ang mga sibilyan sa isang bayan sa Maguindanao sa pagsalakay ng mga hindi kilalang mga armadong kalalakihan.
Ayon kay Maguindanao police provincial director Colonel Ronald Briones na namataan ng mga sibilyan na nagsasambayan sa isang mosque sa Brgy Damalasak, Pagalungan, Maguindanao ang tatlong katao na animo’y nagmamasid.
Nang sitahin sila ng ilang mga residente ay agad umalis ngunit makalipas lamang ng isang oras ay bumalik ang mga ito na may mga kasama na at armado ng matataas na uri ng armas.
Walang habas na nagpaputok ang mga suspek kaya lumikas ang mga sibilyan.
Agad namang nagresponde ang mga pulis at mga tauhan ng 7th Infantry Battalion Philippine Army kaya umatras ang mga armadong kalalakihan patungo sa liblib na lugar sa Sitio Pintel, Barangay Balongis, Pikit, North Cotabato.
Wala namang nasugatan sa pagsalakay ng mga rebelde ngunit nagdulot ito ng takot sa mga sibilyan.
Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa bayan ng Pagalungan sa naturang pangyayari.