Tinatayang nasa mahigit 300 na ang bilang ng mga sibilyang pinatay ng mga sundalo ng Russia sa Bucha sa Ukraine.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Bucha Mayor Anatoly Fedoruk, na personal niyang nasaksihan ang walang habas na pagpatay sa maraming mga sibilyan na kabilang sa 320 nasawi sa kanilang lungsod.
Inalala ni Fedoruk kung paano brutal na pinagbabaril ng Russian forces ang tatlong civilian cars na sinubukang ilikas ang kanilang sarili patungo sa Kyiv.
Mayroon din aniya siyang nasaksihang isang lalaki na nagmamakaawa sa mga tropa ng Russia na huwag barilin ang kanyang nagdadalang-tao asawa, ngunit binaril pa rin nila ang mga ito.
Bukod dito ay sinabi rin ni Fedoruk na hina-hunting daw ng Russian military ang mga local poticians.
Samantala, hinamon naman ng Bucha mayor na magtungo sa kanilang lugar si Russian Foreign Minister Sergei Lavrov upang makita nito ang nagkalat na mga bangkay ng maraming sibilyan sa daan at ang sitwasyon ngayon doon, at tignan ng diretso ang mga mata ng naiwang pamilya ng mga biktima ng nasabing massacre.
Magugunita na una nang nagpahayag si Lavrov nang tila paghuhugas-kamay sa mga alegasyon ng war crimes sa Moscow at sinabing walang kinalaman ang Russian military sa nangyaring kalunus-lunos na pagpatay sa mga sibilyan sa Bucha.