BACOLOD CITY – Tuluyan nang isinara ang lahat ng mga beach sa Miami, Florida, kasunod ng hindi pag-oobserba ng mga spring breakers ng precautionary measures upang malabanan ang pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa international fashion designer na si Kirsten Regalado mula sa Miami, “frustrating” ang ginagawa ng mga estudyante na hindi pagsunod sa abiso na iobserba ang social distancing.
Katunayan ay arami pa rin aniya ang nagpa-party sa mga beach nitong nakaraang araw sa kabila ng banta ng COVID-19 kasabay ng spring break.
Mayroon pa ngang nakuhaan ng video na naglalaro ang spring break revellers ng tug-of-war kaya hindi naiwasan ang close contact sa mga participants pati na rin sa mga kumukuha ng video.
Dahil dito, iniutos ni Mayor Carlos Gimenez ang pagsasara ng lahat ng mga dagat sa Miami-Dade, ang county kung saan matatagpuan ang Miami Beach.
Naglabas din ng patakaran ang alkalde na ipinagbabawal ang pagtitipon ng mahigit 10 katao sa mga local parks.
Nabatid na sa ngayon, umabot na sa halos 400 ang bilang ng mga namatay dahil sa COVID-19 sa buong Estados Unidos.